Isang kasinungalingan at pambubudol na naman sa mga mamamayang Pilipino.
Ito ang tugon ng Bantay Bigas kaugnay sa pahayag ng National Irrigation Administration na sa taong 2028 pa umano maaabot ang ipinangakong P25 per kilos ng bigas.
Ayon kay Cathy Estavillo, ang Spokersperson ng nasabing samahan, hangga’t hindi naaalis ang Rice Liberalization Law na siyang nagpapahintulot ng tuluy tuloy na pagpasok ng imported na bigas ay hindi magkakaroon ng pagbaba sa presyo ng palay.
Maaari naman aniyang maging posible ang P25 per kilo ng bigas sa merkado kung aayusin ng gobyerno ang irrigation canal at kung pagbabawalan nito ang Land Use Conversion na siyang ginagawang hindi pang-agrikultura ang mga lupaing pang-agrikultura, na siyang umaagaw sa mga lupang sakahan ng mga magsasaka.
Pagbibigay diin nito na posibleng mangyari ang ipinangako ng Punong ehekutibo kung tuluy tuloy ang suporta nito sa pagtatanim ng mga magsasaka sa pamamagitan ng pagbibigay ng sapat na pondo at siguraduhing hindi sila malulugi.
Ngunit, kabaligtaran kasi aniya ang nangyayari sa katotohanan kung saan importasyon lamang ang naiisip na kaparaanan ng mga namumuno sa kagawaran.
Lalo pa ngayong patuloy na tumataas ang presyo ng langis na siyang nakadaragdag sa pagtaas ng production cost ng mga magsasaka.
Binanggit din nito na habang lumiliit ang available na bigas sa world market, mas malaki ang posibilidad na mas magmahal pa ang presyo ng bigas sa bansa.
Mungkahi naman ni Estavillo na kinakailangan ng drastic mechanism o isang marahas na aksyon ng gobyerno upang mapalakas ang lokal na produksyon at bigyang pansin ang paglikha ng mga pangangailangan sa pagkain.