Itinuturing ni Professor Roland Simbulan, chairperson ng Center for People Empowerment in Governance, na isang taktika na hakbang ng prosecution panel ang pag-withdraw kay dating Senador Antonio “Sonny” Trillanes IV bilang testigo sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Simbulan, nakatuon ang mga inimbitahang resource person at testigo ng prosekusyon sa mga tauhan ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan na may direktang kaugnayan sa mga artikulo ng impeachment, kabilang ang usapin sa umano’y hindi maipaliwanag na yaman ng bise presidente.
Ipinaliwanag ni Simbulan na hindi kabilang si Trillanes sa alinmang ahensya ng pamahalaan na may direktang kinalaman sa mga isyung tinatalakay sa paglilitis. Sa halip, ang papel sana nito ay magbigay ng konteksto at mag-ugnay sa mga impormasyong inilatag ng mga resource person at testigo upang higit na maunawaan ang kabuuan ng mga alegasyon.
Posible aniyang napagtanto ng prosekusyon na maaaring humina ang kanilang kaso kung si Trillanes ang manguna sa paglalahad ng mga ebidensya.
Samantala, binigyang-diin ni Simbulan na kabilang sa pinakamabibigat na alegasyon ni Trillanes ang umano’y pagbibigay ng pondo ng China sa isang foundation na may kaugnayan sa bise presidente. Aniya, may implikasyon ito sa pambansang seguridad dahil sa bigat ng naturang paratang.










