Tinututulan ng ilang grupo at residente sa Tarlac ang planong pagtatayo ng PAX Silica, kasunod ng mga pangamba sa posibleng epekto nito sa kapaligiran, agrikultura at mga komunidad. Lumakas ang panawagan na suriin muna ang proyekto, lalo na sa gitna ng mga usapin kaugnay ng pagbaha sa lalawigan.
Ayon kay Antonio Tony Dizon, campaigner ng BAN Toxics, dapat munang isaalang-alang ang posibleng epekto ng proyekto sa mga lugar na ginagamit sa agrikultura. Aniya, malaking bahagi ng lupang maaaring gamitin sa proyekto ay agricultural land, kaya may pangambang mabawasan ang lupang nakalaan sa produksyon ng pagkain. Iginiit din niyang wala pa silang nakikitang dokumentong nagpapakitang nakumpleto na ang environmental impact assessment ng proyekto.
Bukod sa environmental concerns, sinabi ng grupo na maaaring maapektuhan din ang mga residente at iba pang sektor na nakapaligid sa lugar ng proyekto. Kabilang sa mga ipinapatingin nila ang posibleng epekto nito sa daluyan ng tubig at sa kondisyon ng mga komunidad, lalo na habang patuloy na tinutugunan ang problema sa pagbaha sa Tarlac.
Nanawagan naman ang BAN Toxics na bigyang-priyoridad ang mas malalaking suliraning pangkapaligiran at masusing suriin ang mga salik na maaaring nag-aambag sa paglala ng pagbaha bago ituloy ang proyekto. Sa ngayon, patuloy na hinihintay ang mga kinakailangang pagsusuri at dokumentasyon na maglilinaw sa posibleng epekto ng PAX Silica sa kapaligiran, agrikultura at mga komunidad.










