BOMBO DAGUPAN- Tila isa lamang umanong ispekulasyon ang naging pahayag ni National Economic and Development Authority Sec. Arsenio Balisacan kaugnay sa marami umanong magsasarang kumpanya kung sakaling magkakaroon ng wage increase lalo na sa Metro Manila.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Atty. Sonny Matula, Presidente ng Federation of Free Workers, pananakot lamang ito sa mga manggagawa upang hindi na isulong pa ang nasabing wage hike.

Aniya, hindi naman nagdulot ng pagsasara ng mga ibang kumpanya sa P40 wage increase noong nakaraang taon. Hindi rin ito nakaapekto sa unemployment ng bansa, at sa katunayan, nakagawa pa aniya ito ng trabaho.

--Ads--

Tumaas din aniya ang Gross Domestic Product ng bansa noong 1989-90s dahil sa paulit-ulit na wage increase.

At para kay Atty. Matula, malayo sa katotohanan na magtataas lamang ng unemployment rate sa bansa ang P40 na pagtaas ng sahod.

Gayunpaman, ang hinihingi umano ng kanilang pederasyon ay ang P150 taas sahod para lamang makarekober ang mga manggagawa mula sa inflation.

Idiniin niya na sa ekonomiya lang din ito gagamitin kaya makakatulong din ito para makagawa pa ng trabaho para sa mga Pilipino.

Umaasa naman si Atty. Matula na matatalakay ni Pangulong Ferdinad Marcos Jr. sa kaniyang ikatlong Senate of the Nation Address ang nationwide wage increase.

Maliban diyan, nais din nila na mabanggit din ng Pangulo ang isyu sa kontraktwalisasyon. Dapat matutukan aniya ng punong ehekutibo ang mga pagawaan na nagsasagawa pa din ng labor of contracting at masawata ang mga ito.

Kaugnay nito, dapat maamyendahan na din ang Labor Code kaugany sa kontraktwalisasyon. Nararapat lamang na itaas ang danyos na babayaran ng mga employer na gumagawa ng iligal na gawain.

Dagdag pa niya, dapat maging agenda din ng pangulo na mabigyan ng respeto ang mga mangagawa na may inoorganisang union.