DAGUPAN CITY — Isang karahasan laban sa psychological peace ng isang indibidwal — ganito isinalarawan ni Dr. Argel Masanda, Psychologist ng Wundt Psychological Institute, ang bullying.
Sa panayam sa kanya ng Bombo Radyo Dagupan, sinabi nito na kung ang isang tao ay hindi nakakaramdam ng tama o maganda dahil sa ginagawa sa kanya ng kanyang kapwa ay maaari itong maikonsidera bilang porma ng bullying.
Aniya ba hindi na lamang nangyayari ang bullying sa isang face-to-face interaction, subalit maging sa social media ay nagiging talamak ang bullying lalo na ngayong digital age kung saan madali na lang ang pakikisalamuha sa ibang mga tao.
Saad nito na sa loob ng virtual world, madalas na nawawalan ang mga tao ng inhibitions na makipag-usap ng hindi maganda kaya ang tinatawag na online incivility ay tumataas din ng antas na siya namang nagiging isa sa mga sanhi ng pagtaas ng cyberbullying.
Bunsod nito, ani Dr. Masanda, ay nakakaranas ang mga biktima ng bullying ng masidhing epekto sa kanilang psychological wellbeing kung saan nakakaramdam sila ng pagkalungkot, pagbaba ng tingin sa sarili, pagbaba ng confidence, pagkawala ng interes na makihalubilo sa iba dahil pakiramdam nila ay hindi sila angkop o hindi sila nararapat sa sitwasyon na kanilang kinabibilangan.
Habang sa mga mag-aaral naman, isa sa mga pangunahing epekto nito ay ang pagbaba ng kanilang academic performance na nagreresulta naman sa pagbaba ng kanilang mga grado.
At kung ito naman ay nangyayari sa isang workplace ay nagiging epekto naman nito ang pagbaba ng work performance, at pagbaba ng lebel ng work satisfaction.
Paliwanag nito na sa kabila ng mga sintomas ng bullying ay hindi sila nagsasabi at nagsasalita sa kanilang pinagdaraanan at mapapansin na lamang na nawawalan na sila ng interes o ganang pumasok, ayaw gawin ang kanilang mga asignatura, natatakot, o umiiwas sa pagbigay ng tamang dahilan kaugnay sa kanilang pinagdaraanan, habang mayroon namang ilang mga kabataan ang nakakaranas ng pagbabago sa kanilang sleep cycle, kasama na rin ang siklo sa pagkain, at minsan ay nagiging isolated o aloof at iniiwasan ang pakikipaghalubilo sa ibang tao at maging sa mga kamag-anak.
Pagbabahagi pa ni Dr. Masanda na ang mga nambu-bully ay maaaring biktima rin ng pambu-bully o hindi nagabayan ng sapat ng magulang o maaaring produkto ng isang dysfunctional family, kung saan ang kinalalakhan nilang kapaligiran ay nagiging normal para sa kanila kaya naman ang kanilang pagkakaunawa ay ganito rin sila dapat makitungo sa ibang tao.
Sa ganitong pamamaraan aniya na ang isang batang nambu-bully ay nangangailangan din ng tulong kaya mahalaga na kapag nais na tugunan ng isang guro o guidance counselor ang kaso ng bullying ay dapat na mabigyan ng sikolohikal na tulong ang parehong biktima ng bullying at ang nambu-bully dahil pareho silang nangangailangan ng aruga at tulong mula sa mga eksperto.