Nangako si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tatapusin na papalakasin pa ng administrasyon ang kanilang aksyon upang wakasan ang online sexual abuse o exploitation of children sa bansa.
Naging emosyonal ang pangulo sa kaniyang pagsalita sa isang summit na ginanap sa Makati City kahapon nang magbalik tanaw ang mga biktima ng krimen ng cybersex sa kanilang hindi magandang mga karanasan.
Ayon kay Pangulong Marcos Jr., nakaramdam siya ng hiya bilang isang public servant dahil sa kakulangan ng aksyon upang mawakasan ang ganitong klaseng krimen.
Aniya, hindi nila hahayaan na magpatuloy itong umiral sa bansa lalo na’t patuloy itong kumakalat.
Ikinalungkot din niya na karamihan din sa mga salarin ay pamilya o kamag-anak din ng biktima.
Samantala, ipinakita sa huling datos ng Philippine National Police na 1,099 na mga biktima ay nailigtas mula sa 237 na mga operasyon, 128 na mga naarestong suspek, 139 ang kasong naisampa, at 41 salarin ang nahatulan.