Patuloy ngayon ang pagtugis ng hanay ng pulisya sa dalawang suspek na sangkot sa pamamaril sa 45 anyos na Head ng Human Resource sa isang ospital sa lungsod ng Dagupan.

Ayon kay PLt. Col. Vicente Castor Jr, ang siyang chief of police ng Dagupan City Police Station na mayroon na silang dalawang persons of interest na pinaghahanap para sa naging insidente ng pamamaril kay Bernadette Velasco na isang Head ng Human Resource of Dagupan Doctors Villaflor and Memorial Hospital at residente ng Claudio P Ordoñez Cmpd., Brgy Caranglaan.

Aniya na patuloy ang kanilang pangangalap ng mga impormasyon sa kinaroroonan ng mga suspek sa pamamagitan ng mga CCTVs na malapit sa pinangyarihan ng pangyayari.

--Ads--

Bagaman malabo aniya na maging motibo sa pamamaril ang trabaho ng biktima dahil sa magandang record nito ay masusi ang kanilang pakikipagugnayan sa mga kaanak, kaibigan at mga miyembro ng mga organisasyong kinabibilangan nito sa pagtukoy ng tunay na dahilan ng mga suspek sa pagbaril sa biktima.

Base rin kasi aniya sa kanilang datos ay walang mga naitalang rekord ang biktima na pagdulog sa pulisya maging sa Pamahalaang Barangay ukol sa posibleng natatanggap na mga banta.

TINIG NI PLT.COL VICENTE CASTOR JR.

Sa ngayon ay nanatiling walang malay ang biktima na nagtamo ng dalawang tama ng baril sa kaniyang dibdib habang tatlong tama rin ng baril sa kaniyang tiyan.

Dagdag pa nito na posibleng nanlaban din ang biktima na isang ring military reservist kung kaya naman ay kahit na makailang ulit itong pinagbabaril ay nakaiwas itong matamaan ang iba pang parte ng kaniyang katawan.

Kaugnay pa nito ay hinihikayat nito ang publiko na kung may mga impormasyon sa pagkakakilanlan at kinaroroonan ng mga suspek ay agad na makipagugnayan sa kanilang himpilan upang maging mas mabilis ang pag-aresto rito at mabigyan ng hustisya ang biktima.