Nanawagan ang Action and Solidarity for the Empowerment of Teachers (ASSERT)Central Luzon na paigtingin ang pagtitipid sa kuryente at gawing simple ang mga seremonya ng pagtatapos ng klase upang makatulong sa pagharap sa kasalukuyang krisis pang-ekonomiya.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, sinabi ni Arlene James Pagaduan, Presidente ng nasabing grupo, na may mga paraan ang mga paaralan upang makatulong sa pagtitipid sa enerhiya kahit hindi kabilang ang sektor ng edukasyon sa ipinatutupad na four-day work arrangement ng ilang tanggapan ng pamahalaan.
Ayon kay Pagaduan, bagama’t papatapos na ang school year at nakaayos na ang mga iskedyul ng klase, mahalaga pa ring maging responsable ang lahat sa paggamit ng kuryente sa mga paaralan.
Dagdag pa niya, matagal nang ginagawa ng mga paaralan ang ganitong mga hakbang ngunit dapat pa itong paigtingin upang makatulong sa pagtitipid, lalo na sa gitna ng pagtaas ng presyo ng langis na nakaaapekto rin sa araw-araw na pamasahe ng mga guro at estudyante.
Napansin din umano ng ilang guro ang bahagyang pagbaba ng bilang ng mga estudyanteng pumapasok sa klase habang papalapit ang pagtatapos ng school year.
Ayon kay Pagaduan, karaniwan nang nangyayari ito tuwing huling bahagi ng klase, ngunit maaari rin itong maiugnay sa hirap ng buhay na nararanasan ng ilang pamilya.
Sa kasalukuyan, abala na ang mga guro sa pagtatala ng final grades, pagwawasto ng exam, at paghahanda para sa mga seremonya ng pagtatapos.
Kaugnay nito, tumugon din si Pagaduan sa mga ulat na may ilang paaralan na naniningil ng hanggang ₱800 para sa graduation expenses ng mga kindergarten students.
Ayon sa kanya, hindi dapat maging pabigat sa mga magulang ang ganitong mga gastusin.
Iminungkahi niyang maaaring gumamit ng school uniform sa halip na magrenta ng toga, at iwasan ang hindi kinakailangang gastos tulad ng magarbong dekorasyon, mamahaling venue, o mga package sa pictorial.
Sa huli, nanawagan si Pagaduan sa mga magulang na patuloy na suportahan ang edukasyon ng kanilang mga anak.
Hinimok din niya ang mga estudyante na ipagpatuloy ang kanilang pag-aaral sa kabila ng mga pagsubok.










