DAGUPAN CITY—Habang papalapit ang Semana Santa kasabay ng pagsisimula ng tag-init, nanawagan si Tony Dizon, campaigner ng Ban Toxics, sa publiko na gawing makabuluhan ang paggunita—hindi lamang sa espiritwal na paraan kundi pati sa pangangalaga sa kalikasan.

Ayon kay Dizon, ito ang “pinakaangkop na panahon” upang ipakita ang malasakit sa kapaligiran sa gitna ng umiiral na krisis sa enerhiya na dulot ng tensyon sa Middle East. Kaya naman hinikayat niya ang lahat na magtipid sa konsumo ng kuryente at tubig bilang konkretong ambag sa pagharap sa kasalukuyang sitwasyon.

Kasabay ng pagdagsa ng mga deboto sa mga simbahan at banal na lugar, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng disiplina: panatilihin ang kalinisan at kaayusan habang nagsasagawa ng mga tradisyong panrelihiyon. Hindi lamang ito usapin ng debosyon, kundi responsibilidad din sa kapaligiran.

--Ads--

Nanawagan din si Dizon sa mga lokal na pamahalaan na paigtingin ang mga programang pangkalikasan sa panahon ng Semana Santa. Aniya, makatutulong ang mas maraming law enforcement personnel at street sweepers upang mapanatili ang kaayusan sa mga pampublikong lugar.

Hinimok din ng Ban Toxics ang mga grupo ng simbahan na makipagtulungan sa mga LGU upang masigurong maayos ang pamamahala ng basura at maiwasan ang pagkalat nito sa mga lugar ng debosyon.

Sa usapin naman ng transportasyon, iminungkahi ni Dizon ang carpooling para sa mga planong magsagawa ng Visita Iglesia. Bukod sa pagbawas ng polusyon, nagiging pagkakataon din ito para sa magkaroon ng mas malalim na ugnayan ng pamilya. Para naman sa malalapit na simbahan, inirekomenda niya ang pagbibisikleta bilang alternatibo.

Mariin din niyang tinutulan ang paggamit ng mga disposable na plato at kubyertos na kadalasang nauuwi lamang sa tambak na basura. Sa halip, hinikayat niya ang paggamit ng mga reusable na kagamitan upang mabawasan ang dagdag na polusyon.

Kaugnay nito, binanggit ni Dizon na layunin ng Ban Toxics na palawakin ang kanilang adbokasiya lampas sa simpleng pagpatay ng ilaw tuwing Earth Hour. Aniya, nais nilang ituon ang pansin sa mas malalim na krisis na kinakaharap ngayon—hindi lamang sa enerhiya kundi pati sa usapin ng environmental justice.

Sa huli, nanawagan ang grupo ng mas matibay na regulasyon at konkretong suporta upang tunay na mapangalagaan at mapalago ang kalikasan, lalo na sa gitna ng mga hamon na kinakaharap ng mundo ngayon.