Pormal na hiniling ng House prosecution panel sa Senate impeachment court na agahan ang iskedyul ng pagtestigo ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag sa nagpapatuloy na impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Hiniling ni Prosecution Rep. Lorenz Defensor na iusog ang pagtestigo ni Matibag bukas, Martes, Hulyo 14, sa halip na sa orihinal nitong iskedyul na Miyerkules, Hulyo 15.
Nauna nang sumulat si Matibag kay lead prosecutor Rep. Gerville Luistro na kung maaari ay agahan ang kaniyang pagtestigo dahil naimbitahan siya sa gaganaping Regional Summit on Scam Center Compounds and Transnational Organized Crime sa Bangkok mula Hulyo 21 hanggang 22. Hiniling niyang makasalang sa witness stand bago ang kanyang pag-alis upang hindi maantala ang paglilitis sa Senado.
Bagamat hindi ito tinutulan, nakikita naman ni Senator-judge Alan Peter Cayetano na posibleng maging “bad precedent ito.” Sinegundahan naman ni Senator-Judge Sherwin Gatchalian ang pahayag ni Cayetano dahil maaaring maapektuhan ang preparasyon ng lahat ng partido sa biglaang pagbabago.
Lininaw naman ni Trial Presiding Officer Francis Escudero na hindi pa napa-subpoena ang NBI chief.
Tinutulan naman ng panig ng depensa ang naturang hakbang dahil sa paglabag sa direktiba ng impeachmnet court na 5-day witness rule at kanilang karapatan para i-cross examine ang testigo.
Sa huli, inutusan ng korte ang prosekusyon na isumite ang mismong sulat ni Matibag kasama ang kanyang travel authority para masuri muna ito ng mga senador bago aprubahan ang pagbabago.
Inaasahang magbibigay ng detalye si Matibag tungkol sa naging opisyal na imbestigasyon ng NBI sa umano’y banta ni VP Sara Duterte laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.
Ngayong Lunes, iniharap ang testigong si NBI Regional Director Jeremy Lotoc na nag-imbestiga rin sa naturang alegasyon.








