DAGUPAN CITY — Binigyang-diin ng Chairman Emeritus ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas na si Rafael “Ka Paeng” Mariano sa panayam sa kanya ng Bombo Radyo Dagupan ang kalahagahan ng pagkakaroon ng karagdagang mga cold storage facilities sa bansa para sa mga inaaning sibuyas, partikular na sa mga onion-producing provinces sa Pilipinas gaya na lamang ng Nueva Ecija.

Aniya na batay sa mga datos ay kasalukuyang mayroong kabuuang 68 cold storage facilities sa Pilipinas kung saan 27 nito ay nasa NCR, 10 sa Nueva Ecija, 8 sa Cavite, at 15 naman sa Cebu.

--Ads--

Subalit ipinagtataka naman nito kung bakit mas malaki ang bilang ng mga cold storage facilities na matatagpuan sa Metro Manila at kung ang mga laman ba nito ay mga pangunahing mga produkto, o kung ang mga laman nito ay locally produced o di naman kaya’y mga inangkat lamang na mga sibuyas.

Kung ito man ang sitwasyon ani Mariano at kung marami pa namang mga supply ng sibuyas sa 27 cold storage facilities sa NCR ay bakit hindi ito inilalabas sa mga pamilihan.

Kaya naman nakikita nito na ang planong iaangkat na 21,000 metric tons ng sibuyas ay upang punan lamang ang espasyo sa mga nasabing pasilidad habang kukunin naman nila ang pagbili sa mga locally produced onions na siya namang magdudulot muli ng monopolyo sa supply ang pagdidikta sa presyo ng mga sibuyas loob ng merkado.

Ito naman aniya ang kanilang ikinababahala sapagkat napakahalaga ng pagdaragdag ng mga lokal na sibuyas sa loob ng mga cold storage facilities kung saan ang mga magsasakang Pilipino ang pangunahing maaaring magpasok ng mga inaani nilang sibuyas sa cold storage facilities, kung saan naman ay maaari nilang ipanawagan sa gobyerno na tapatan nila ang renta sa paggamit ng mga nasabing pasilidad ng naaayon at makatwiran na farm gate price.

Kaugnay nito ay sinabi din ni Mariano na sa halip na mag-angkat ang bansa ng mga sibuyas ay mas mainam kung tututukan na lamang ng gobyerno ang pagpapalakas ng lokal na produksyon ng Pilipinas sa pamamagitan ng pagtulong sa mga magsasaka gaya na lamang ng pagpapalawak ng mga taniman ng nasabing produkto upang mapataas din ang bilang ng naaani na average yield kada anihan.

Dapat din aniya na ang patakaran ng gobyerno ay ang pagtaguyod, pagtatatag, at pagtitiyak ng food self-sufficiency ng bawat mamamayang Pilipino sa bansa at hindi ang pagtulak sa importasyon ng sibuyas.