Tinalakay ang posibilidad ng pagtatatag ng isang Department of Fisheries, na inaasahang makatutulong upang masolusyunan ang mga suliranin ng mangingisda at magsasaka sa bansa.
Ayon kay Cristopher Aldo Sibayan, President ng Samahang Magbabangus sa Pangasinan (SAMAPA) matapos itong maimbitahan bilang resource person sa senado ipinarating niya ang mga hamon na kinahaharap ng maliliit na mangingisda sa Pangasinan, partikular ang pagpasok ng malalaking commercial fishing vessels sa 15-kilometer protected zone na nakalaan para sa mga artisanal fishermen.
Aniya ang waters na ito ay napapakinabangan sana ng maliliit na mangingisda, ngunit nakapasok na ang malalaking fishing boats na may advanced at efficient na kagamitan, na nauubos ang supply at nawawalan ng kita ang ating local fishermen.
Ipinaliwanag din niya ang mga umiiral na standard operating procedures upang maibalik ang karapatan ng mga lokal na mangingisda.
Sa tulong ng gobyerno, inaasahang maibabalik ang pamamahala ng LGU sa mga protected waters at mapagtatanggol ang interes ng mga artisanal fishermen.
Tinalakay din ang iba pang hamon ng industriya, kabilang ang kakulangan ng pondo at suporta mula sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), at ang kakulangan ng sapat na pagkain para sa mga mangingisda at magsasaka sa kabila ng kanilang kontribusyon sa produksyon.
Ayon kay Sibayan, ang pagkakaroon ng isang Department of Fisheries ay magbibigay kapasidad sa gobyerno na mas epektibong tugunan ang mga problemang ito.
Nagpasalamat din si Sibayan sa mga katuwang na organisasyon tulad ng SINAG, na tumutulong upang maiparating sa Senado ang mga hinaing ng industriya.
Kasama rin sa mga programa ng SAMAPA ang MAPA Scholars Program, na nagtutulak sa TESDA na tumulong sa maralitang Pilipino, at pakikipagtulungan sa LGU at barangay upang mas mapalawak ang tulong sa mga lokal na mangingisda.
Bukod dito, tinalakay ang epekto ng mainit na panahon sa produksyon ng bangus sa lalawigan.
Ayon kay Sibayan, kinakailangang pakainin ang isda ng dahan-dahan ayon sa kakayahan ng produksiyon upang mapanatili ang supply.










