BOMBO DAGUPAN- Nakipagsagutan si Vice President Sara Duterte sa budget hearing sa Kamara matapos tanungin muli ang paggastos nito sa P125-million confidential funds noong 2022.

Sa pagdinig, tinanong ni ACT Teachers Rep. France Castro ang bise presidente sa paggamit nito sa naturang pondo, lalo na’t kasama rito ang inilabas ng Commission on Audit na disallowance ng humigit-kumulang P73-million dahil sa “non-submission of documents.”

Dito na inakusahan ni Duterte si Castro sa pagkakaroon ng “snide” remark at kasunod nito ang kaniyang paghiling sa presiding chairman ng pagdinig na magkaroon din ito ng kaparehong pagkomento.

--Ads--

Nang itulak ni panel senior vice chairman at Marikina Rep. Stella Luz Quimbo si Duterte na sagutin ang katanungan ni Castro, dito na niya inatake si Castro kung saan tinawag niya itong “convicted criminal.”

Iginiit naman ni Duterte na ang tanging sasagutin niya ay ang mga katanungang patungkol lamang sa 2025 budget at hindi ang paggamit sa confidential funds.

Hiniling din ng bise presidente na palitan ng House Finance Committee chairman si Quimbo na pamunuan ang budget hearing.

Sinagot ito ni Quimbo na hindi maaaring gumawa ng mosyon si VP Duterte dahil resource person lamang siya sa pagdinig. Idiniin din niya na may kaugnayan pa din ang confidential funds sa pagremit ng 2025 budget.