DAGUPAN CITY — “Hindi na dapat inako ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang papel ng pagiging Kalihim ng Agrikultura.”

Ito ang ipinahayag ni Rafael “Ka Paeng” Mariano, Chairman Emeritus ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, sa naging panayam sa kanya ng Bombo Radyo Dagupan, patungkol sa panawagan ng mga magsasaka na magtalaga na ang Punong Ehekutibo ng opisyal na maninilbihan bilang Agriculture Secretary.

--Ads--

Saad ni Mariano na “hindi pasado” si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. bilang Kalihim ng Kagawaran ng Pagsasaka, sapagkat maliban sa mga hindi naaangkop na mga patakaran na ipinatutupad ng kasalukuyang administrasyon hanggang ngayon ay matagal na dapat umanong bumaklas ang Pilipinas sa World Trade Organization at gayon na rin ang pagkalikdan sa mga patakarang neoliberal.

Dagdag pa nito na hindi rin nagpakita ng pagmamalasakit ang Punong Ehekutibo sa mga magsasaka sapagkat pinababayaan lamang nito ang pwersa ng pamilihan at gayon na rin ang paghahanap ng presyo ng mga produktong agrikultural sa loob ng sarili nitong merkado dahil sa pinaniniwalaan naman nilang “free trade” na hindi naman nakatutulong sa mga panahong umiiral ang monopolyo at cartel lalo na sa produkto ng sibuyas at iba pang prduktong pang-agrikultura.

Aniya na sa dinami-rami na rin ng mga plano sa pag-angkat ng iba’t ibang mga produkto sa bansa na paulit-ulit din lamang na hindi natuloy ay mas mainam na lang sana na kung sa mga panahon na iyon ay natalaga na ito ng permanenteng Kalihim ng Department of Agriculture.

Gayunpaman, binigyang-diin ni Mariano na sa pagtatalaga ng uupong Kalihim ng nasabing ahensya ay marapat lamang na mayroong mga susundin na malinaw na programa at polisiya na may kaugnayan naman sa apat na Domestic Laws na may iisa lamang na Declaration of Policy, partikular na ang pagsulong sa usapin ng food self-sufficiency policy.

Ito rin aniya ang dapat na tinututukan ng gobyerno sa mga pagpapatupad ng mga patakarang neoliberalizaton policy, liberalization policy, privatization policy, at deregulation policy. Dapat din aniya na mayroong maibigay na sapat na ayuda sa mga magsasaka o direktang suporta ang gobyerno sa mga magsasaka at mangingisdang Pilipino upang makamit at mapalakas ang mga produktong agrikultura, livestock at poultry industry at gayon na rin sa pangingisda upang maabot ng Pilipinas ang food security para sa bawat mamamayan.

Ani Mariano na kung ipagpapatuloy at ipaiiral ng kasalukuyang administrasyon ang pagasa nito sa importasyo o pag-aangkat ng iba’t ibang mga produkto sa bansa, ay lalo lamang lumalaki ang tyansa na hihina o mamamatay ang industriya ng agrikultura sa Pilipinas.

Kaugnay nito ay sinabi ni Mariano na habang may panahon pa at kung nanaisin talaga ng mga kinauukulan ang makabuluhang pagbabago sa mga patakaran sa sektor ng agrikultura at pagkain sa bansa, ay nararapat lamang na magkaroon na ng DA Secretary na magiging kauwang hindi lamang ng mga magsasaka kundi na rin ng bawat Pilipino sa pataguyod ng food self-sufficiency sa bansa sa pamamagitan ng pagkalikdan sa mga hakbang at planong importasyon ng iba’t ibang mga produkto.

Maliban dito ay patuloy din ang kanilang panawagan sa gobyerno na maglaan ng production subsidy para sa mga magsasaka at mangingisda ng Pilipinas bukod pa sa ayuda na naipangako sa kanila.