DAGUPAN CITY- Isinusulong ng Sangguniang Panlungsod ng Dagupan ang isang ordinansa na layong magtalaga ng mga kabataang responder sa bawat barangay bilang bahagi ng paghahanda sa malawakang sakuna gaya ng posibleng “The Big One” na pinangangambahan ng Philvolcs.
Ayon kay City Councilor Atty. Joey Tamayo na isinusulong ng lungsod ang pagkakaroon ng mga reserve youth disaster responders sa tulong ng Sangguniang Kabataan (SK) upang mapunan ang posibleng kakulangan ng mga barangay disaster risk reduction and management personnel sa panahon ng emergency.
Aniya, sa ilalim ng panukalang ordinansa, pipili ang mga SK chairman ng mga kabataang may kakayahan at kahandaang tumugon sa mga sakuna.
Magkakaloob naman ang City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) ng pagsasanay sa mga volunteers na mga kabataan.
Kabilang sa mga training na ito ang first aid, basic rescue operations, evacuation procedures, at iba pang disaster preparedness activities.
Dagdag pa niya na may ilang kabataang nagpahayag na ng kanilang kahandaang tumulong sa mga emergency situations.
Malaking tulong umano ito lalo na at ang Dagupan ay kilala bilang isa sa mga lugar na madalas tamaan ng kalamidad gaya ng pagbaha at lindol.
Layon ng hakbang na ito na palakasin ang lokal na kapasidad sa pagtugon sa sakuna at hikayatin ang aktibong partisipasyon ng kabataan sa disaster resilience ng kanilang komunidad.