DAGUPAN CITY — Problema pa rin sa ilang mga lugar ang napakamahal na bentahan ng asukal bagamat nagsimulang bumaba ang presyo nito sa ilang mga pamilihan ng maipasok na sa merkado ang 150,000 metric tons ng nasabing produkto sa ilalim ng Sugar Order No. 3 noong buwan ng Oktubre.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay John Milton Lozande, Secretary General ng National Federation of Sugar Workers, sinabi nito na naglalaro sa 3,800 per 50kg bag ang millgate price ng asukal, na mabibili naman sa halagang P74-P75/kilo pagdating nito sa mga pamilihan.
Gayunpaman, isa pa ring napakalaking problema ang mataas na presyo ng nasabing produkto sa mga pamilihan sa National Capital Region, kung saan naman ay kasalukuyang naglalaro ang bentahan ng kada kilo ng asukal sa pagitan ng P86-P100.
Ani Lozande na magiging malaking tulong kung makakapagtakda ang mga kinauukulan ng price cap sa asukal at iba pang mga sugar-based products sapagkat nakapaloob naman sa Republic Act No. 7581 o mas kilala sa tawag na Price Act ang seksyon na nagsasabing mayroong kapangyarihan ang gobyerno na magtakda ng price cap sa mga produktong may hindi nararapat na presyo upang maprotektahan hindi lamang ang mga magsasaka subalit gayon na rin ang mga konsyumer.
Kaugnay nito ay sinabi rin ni Lozande na hindi dapat tataas ang presyo ng nasabing produkto sa P90-P95/kilo.
Maliban dito ay inihayag din ni Lozande ang kawalan at kakulangan ng pag-aksyon ng gobyerno sa kanilang kahilingan na matulungan ang mga maliliit na magsasaka at sugar planters sa usapin ng pagbibigay sa kanila ng subsidy at gayon na rin ang pagpapababa ng kanilang production costs.
Kaugnay nito ay nakikita naman ng kanilang hanay na ang kawalan ng hindi maayos na pagpapatupad ng pagkakaroon ng Suggested Retail Price (SRP) ang isa sa pangunahing rason sa napakataas na presyo ng asukal sa mga merkado.
Habang itinuturing din na isang malaking problema ang naging usapin ng National Price Coordinating Council sapagkat hindi natalakay at napag-aralang mabuti kung papaano nila tutugunan ang usaping ito, subalit napagusapan lamang ang pagmo-monitor sa presyo ng asukal at iba pang mga pangunahing bilihin sa merkado.
Dito naman na aniya sila magbabatay upang makagawa ng mga hakbang kung papaano masosolusyunan at mapipigilan ang hindi makatwiran na pagtaas na presyo ng mga bilihin lalong lalo na sa pagpasok ng Pasko at Bagong Taon.
Gayunpaman ay ipinagtataka nila kung bakit hanggang ngayon ay wala pa ring konkretong solusyon ang mag kinauukulan gayong matagal na nilang pinaplano ang hakbang na ito.
Umaasa naman ang kanilang hanay na matutugunan na ito ng kasalukuyang administrasyon sapagkat may tiwala naman ito na kayang-kaya itong gawin ng gobyerno dahil mayroon namang mga batas na humahalili sa usaping ito.