BOMBO DAGUPAN- Ikinadismaya ni Representative Agri Partylist Wilbert Lee ang malaking tapyas sa pondo ng Department of Agriculture para sa 2025 National Budget.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan sakaniya, umabot sa P300-billion ang ibinawas sa pondo ng ahensya. At umaabot sa P211.3-billion ang inilaang pondo para sa agrikultura ng bansa para sa susunod na taon na budget at malayo ito sa hiniling nila na P513-billion.
Aniya, tila hindi ito naaayon sa ipinangako ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na gawing prayoridad ang sektor ng Agrikultura.
Napakarami umanong pera na inilalagay sa iba’t ibang proyekto subalit hindi binibgyang prayoridad ang pagkain ng bansa.
Dahil dito, lalo lamang tumaas ang presyo ng mga produkto kaya hindi nagiging makatarungan sa mga lokal na magsasaka at mamamayan ng Pilipinas.
Batay sa nakaraang pag aani, nakitaan din umano ng problema ang budget sa post-harvest dahil itinatapon lamang ang mga sobrang naaaning produkto.
Kaugnay nito, ang pagkakaroon ng Kadiwa stores ang makakatulong umano sa mga may oversupply at undersupply.
Sinabi din ni Lee, hindi rin nagkakaroon ng sapat na kaayusan ang irigasyon.
Dagdag pa niya, patuloy lamang umaasa ang gobyerno sa importasyon.
Giit nito na dapat tutukan ang sektor ng agrikultura upang matiyak ang suporta sa lokal na produksyon at maging sa food security.
Sa kabilang dako, hindi pumabor si Lee sa P64 batayan para matawag na food poor.
Aniya, imposibleng pagkasiyahin ang agahan hanggang hapunan sa maliit na halaga.