DAGUPAN CITY- Hindi nakikita ng National Public Transport Coalition na magtatagal ang pamamahagi ng gobyerno ng fuel subsidy sa sektor ng transportasyon.
Ani Ariel Lim, sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, sa patuloy na pagtaas ng presyo sa produktong krudo at petrolyo, partikular na sa P5 na pagtaas, ay ilang litro lamang ang kanilang mapapakinabangan mula sa kabuoang P2.5-billion na ilalaan sa sabsidiya.
Hindi na kase ito posibleng madagdagan pa dahil nakikita nilang ikalalagas lamang ito ng kaban ng bayan dulot ng marami ang bilang ng kinakailangan mapamahagian.
Wala rin katiyakan na makakatanggap ang lahat sa kanilang sektor ng nasabing ayuda dahil marami na ang wala nang record sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) habang sa hanay ng Tricycle Operators and Drivers Association (TODA) ay marami rin ang hindi nakatanggap ng sabsidiya sa nakaraang administrasyon.
Maliban pa riyan, marami ang dokumento na hinahanap sa kanila para lamang makatanggap nito.
Saad pa ni Lim na mapakinggan man ng gobyerno ang hirit na P8,000 sabsidiya kada buwan, hindi pa rin ito sasapat kung patuloy din naman ang pagtaas sa presyo ng krudo.
Kaya para sa kanilang grupo, mas mainam pa kaysa sa pag-ayuda ang pagtapyas sa excise tax upang may matira pang Expanded Value Added Tax (EVAT) tax para sa gobyerno.
Giit niya na ang pagtapyas o pagsuspinde nito ay isang ‘long-term solution’ na mapapakinabangan ng pambuliko at pribadong sasakyan.
At kung papakinggan ito ng gobyerno ay hindi na umano kinakailangan pang magkaroon ng pagtaas ng pamasahe dahil matatakpan nito ang kakulangan sa kanilang kikitain.