DAGUPAN CITY- Wala umanong magbabago sa presyo ng bigas kahit tanggalin ang brand name nito at mananatili pa rin ito sa mataas na presyo sa merkado.
Ayon sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Cathy Estavillo, Spokesperson ng Bantay Bigas, ang ginagawang hakbang ng Department of Agriculture na tanggalin ang brand label ng bigas ay isa lamang umanong palabas upang maipakita na may ginagawa ang nasabing ahensiya upang maibaba ang presyo ng bigas.
Aniya, 2019 pa lamang ay naglipa na ang iba’t-ibang klase ng pangalan ng bigas kaya’t nagresulta ito ng iba’t-ibang presyo ng nasibing produkto.
Sa ngayon ay patuloy pa rin ang pamahalaan na maghanap ng dahilan upang mapababa ang presyo ng bigas ngunit nanatili pa rin sa dilemma ang bansa sa kabila ng mga panukala.
Aniya, kahit na tanggalin ang pangalan ng mga bigas ay magpapatuloy pa rin ang mataas nitong presyo at walang magbabago rito.
Parte rin ng pagmamanipula ng mga retailers ang paglalagay ng pangalan at label upang tumaas ang presyo nito sa merkado at tangkilikin ng mga mamimili.