DAGUPAN CITY- Buong tinatanggap ng National Confederation of Transportworkers Union ang pagkakatalaga kay Vince Dizon bilang bagong kalihim ng Department of Transportation (DoTr).

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Jaime Aguilar, miyembro ng nasabing union, ito ang pagbabago na kanilang inaantay at inaasahan nilang magdadala ito ng pagbabago sa sektor ng transportasyon.

Aniya, marami na rin kase ang mga nasayang na mga programa at hindi na-mamamaximize dahil walang departamentong nagbabantay sa mga implementasyon.

--Ads--

Kaya magiging buo ang kanilang suporta sa mga plano ni Dizon sa sektor ng transportasyon at naniniwala silang magagamit nang maayos ang budget na ilalaan sa mga proyekto ng DoTr.

Kabilang sa layunin ni Dizon bilang bagong kalihim ng ahensya ang Flagship Project Management Office para pamahalaan nang maayos ang implementasyon ng mga proyekto.

Para naman kay Aguilar, mungkahi nila sa bagong kalihim ang pagtutol sa service contracting upang mapalakas pa ang mga kooperatiba. Aniya, nagiging “ayuda system” lamang ito kaya naghihirap pa rin ang mga kooperatiba at nalulugi.

Maliban pa riyan, nais din nilang ipagpatuloy ang programang modernisasyon kahit pa iminumungkahi ng senado na pag-aralan muna ito dahil marami na ang populasyon ng nakapag-consolidate na.

Aniya, bukas sila sa ideyang pag-aralan pa ito upang mas maging matagumpay pa ang industriya ng transportasyon sa bansa subalit, ang pag-tigil ng programa ay mauuwi lamang sa mga nakapag-consolidate na at nagawa nang makapag-utang sa bangko.