DAGUPAN CITY- Umaabot lamang sa 14 minutes para maisalba ng mga residente ng Dagupan City, lalo na sa coastal areas, kapag nakaranas ng tsunami dulot ng pagyanig ng Manila Trench.
Ayon kay Melykhen Bauzon, Administrative Assistant II ng PARMC Dagupan, base sa PHIVOLCS simulation, three-storey building ang maaaring katumbas ng wave height na mararanasan sa syudad.
Bukod pa riyan, hindi lamang umano ang Manila Trench ang dapat bantayan kundi kabilang na rin ang fault line sa San Manuel, Pangasinan.
Bagaman malapit ito sa San Roque Dam, maaaring karagdagang makakaapekto ito sa syudad ng Dagupan.
Sinang-ayunan ng PHINMA University of Pangasinan ang ordinansa ng Lokal na pamahalaan ng syudad ng Dagupan hinggil sa mga maaaring evacuation sa syudad bilang paghahanda sa anumang kalamidad.
Ayon kay Carmela De Perio ng nasabing unibersidad, simula 2009 hanggang kasalukuyan ay bukas sila sa mga evacuees partikular na sa tuwing may pagbaha at bagyo.
Aniya, umaabot sa 200 pamilya ang kaya nilang matanggap sa loob ng unibersidad subalit, bukas pa sila sa anumang adjustments batay sa pangangailangan.
Dagdag pa ni De Perio, sa pamamagitan ng PHINMA Foundation, nakakapagbigay sila ng food packs sa mga pamilya, lalo na bago umuwi ang mga ito.
Sa pagkakataon ngayon dahil sa ordinansa, direkta na silang nakikipag ugnayan sa City Disaster Risk Reduction Management Office (CDRRMO).