DAGUPAN CITY- Hindi inaasahan ang pagkakaroon ng pagtaas sa presyo ng mga sibuyas sa pamilihan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Jayson Cainglet, Executive Director ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG), ikinagulat nila ang presyo ng pula at puting sibuyas sa merkado kahit pa man karamihan sa mga ito ay imported at mula sa cold storages na.

Aniya, sang ayon sila sa mungkahi ng Department of Agriculture (DA) na magpataw ng Maximum Suggested Retail Price (MSRP) sa mga ito.

--Ads--

Umaabot kase aniya sa P300 ang presyo ng pulang sibuyas habang P150 naman sa puti sa ilang mga pamilihan.

At sa tingin ng kanilang grupo, akma na rin ang nabanggit ng DA na P120/kilo ang MSRP.

Giit pa ni Cainglet na dapat din may mapanagot sa mga nananamantala kaya tumataas ang presyo ng mga ito.

Sa pamamagitan ng mga nabigyan ng import permits ay mapapadali lang ang DA na matukoy ang mga mapagsamantala, gayundin sa mga may cold storages.

Nananawagan din sila sa pagtulong ng mga vendors sa pamamagitan ng pagtukoy sa pinagkukuhanan nila ng mga binebentang sibuyas.