Tiniyak ni dating Ilocos Norte Gov. Imee Marcos na tututukan nito ang presyo ng mga pangunahing bilihin sa bansa matapos ang pormal na pagkakadeklara sa kanya ng COMELEC bilang isang ganap na senador.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay senator-elect Marcos sinabi nito madami siyang nais na gawin para sa ikabubuti ng bansa lalo na umano sa kapakanan ng sambayanang Pilipino. Kabilang na aniya rito ay ang pagbabantay sa presyo ng mga bilihin na ayon sa kanya ay patuloy ang pagtaas habang lumilipas ang araw.
Bukod pa rito, inihayag din ni Marcos ang kanyang kagustuhan na makipagtulungan kay Senator Cunthia Villar upang palakasin ang sektor ng agrikultura.
Aniya, nais kasi umano nitong matulungan ang mga mahihirap na magsasaka at mangingisda. Giit pa ni Marcos, kailangang bigyan agad ng trabaho ang mga ito upang sila’y agarang makapagtanim at maibsan na rin ang kakulangan ng suplay ng bigas at isda sa merkado.
Samanatala, lubos naman ang pasasalamat ni Marcos sa lahat ng mga naniwala at sumuporta sa kanya lalo na noong panahon ng pangangampanya.