Malinaw na resulta ng kasalukuyang krisis sa bansa ang patuloy na pagtaas ng bilang ng mga Pilipinong walang trabaho.
Ayon kay Josua Mata, Secretary General ng Sentro ng mga Nagkakaisa at Progresibong Manggagawa (SENTRO), nagsimula ang krisis sa mga iskandalo ng korapsiyon sa pamahalaan at hindi umano ito pangunahing dulot ng mga nagdaang bagyo.
Aniya, ang epekto ng korapsiyon ay hindi lamang pagnanakaw sa pondo ng bayan kundi pati na rin ang pagkawala ng oportunidad sa trabaho ng mga mamamayan.
Batay sa datos na binanggit ni Mata, tumaas ng limang porsiyento ang unemployment rate habang halos 17 porsiyento naman ang underemployed, indikasyon na maraming manggagawa ang kulang o hindi sapat ang oras ng trabaho.
Dagdag pa niya, kapansin-pansin ang pagbagal ng ekonomiya, partikular sa sektor ng manufacturing, kung saan napakabagal umano ng paglikha ng mga bagong trabaho.
Mas mataas din umano ang antas ng kawalan ng trabaho sa hanay ng kabataan, bagay na lalong nakababahala.
Babala ni Mata, kung hindi magbabago ang direksiyon ng ekonomiya, inaasahang patuloy pang lalala ang problema sa unemployment sa bansa.
Dahil dito, nanawagan siya ng agarang interbensiyon ng pamahalaan upang makalikha ng mas maraming trabaho para sa mga nais maghanapbuhay.
Iginiit din niya ang pangangailangang itaas ang minimum wage, subalit binigyang-diin na kahit may mga wage increase, ang kasalukuyang sahod ay mas mababa pa rin sa poverty threshold para sa isang pamilyang may limang miyembro.
Aniya, hindi kayang buhayin ng isang pamilya ang kanilang pangangailangan kung iisa lamang ang nagtatrabaho.
Dahil dito, iginiit ni Mata na panahon na upang kumilos ang gobyerno, pataasin ang demand sa ekonomiya at tiyaking makabuluhan ang pagtaas ng sahod ng mga manggagawa.










