DAGUPAN CITY- Naniniwala ang Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) na mas masusuportahan ang agrikultura ng bansa kung hindi mananatili sa 15% ang taripa at mas itataas pa ito.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Jayson Cainglet, Executive Director ng SINAG, bumaba man ang presyo ng taripa sa World Market subalit, hindi naman ito nakitaan ng magandang epekto sa bansa, bagkus tumataas pa ang presyo ng bigas.
Aniya, ikinalugi lamang ito ng mga producer at umabot sa P30 billion ang nawala sa gobyerno.
Dahil dito, nawalan pa ng pondo ang ilang programa at proyekto na dapat ilalaan sa mga lokal na magsasaka.
Ngayong umani na ang mga magsasaka ay nananatiling mababa pa rin ang farm gate ng palay.
Hindi pa rin umaabot sa P14-P15 kada kilo ng palay at hindi ito sapat upang mabayaran ang mga inutang ng mga magsasaka.
Sinusuportahan ni Cainglet ang pagtaas sa 35% ng taripa upang hindi na ikalugi pa ng bansa ang pagpasok muli ng importasyon kapag napawalang bisa na ang Import ban.
Gayundin sa pagpapatalsik kay Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev) Sec. Arsenio Balisacan upang magkaroon ng ‘fresh start’ sa 2026 at mabago ang ‘economic policies’ ng bansa na kasalukuyang nakatuon lamang sa importasyon.
Sa kabilang dako, nagkaroon man ng maanumalyang proyekto sa farm-to-market road, suportado pa rin ng SINAG ang inisyatibo ng senado sa pag-apruba sa pondo nito para sa 2026 na nagkakahalagang P8.9 billion.
Mahalaga lamang na mas maging ‘cautious’ upang hindi na maulit ang mga ito.
At dahil nasa ilalim na ito ng Department of Agriculture (DA), umaasa si Cainglet na magiging transparent ang mga ito.










