Lalong nahihirapan ang sektor ng agrikultura sa bansa mula sa produksyon hanggang sa kita ng mga magsasaka, sa gitna ng tuloy-tuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Leonardo Montemayor Chairman, Federation of Free Farmers, ipinaliwanag nito na direktang naaapektuhan ng mataas na presyo ng diesel at gasolina ang paggamit ng makinarya sa bukid tulad ng mga harvester.
Dahil dito, bumabagal ang ani at posibleng bumaba ang produksyon ng palay.
Bukod dito, tumataas din ang gastos sa transportasyon ng mga produktong agrikultural patungo sa merkado.
Isa sa pinakamalaking problema ngayon ay ang pagtaas ng presyo ng farm inputs.
Ayon kay Montemayor, ang dating nagkakahalaga ng ₱1,500 hanggang ₱1,600 na abono (urea) ay umaabot na ngayon sa mahigit ₱2,000 kada sako sa maraming lugar.
Inaasahan din aniya na susunod na tataas ang presyo ng pestisidyo at iba pang kemikal na ginagamit sa pagsasaka.
Sa kabila nito, bumababa naman ang presyo ng palay sa ilang lugar, ibig sabihin, doble ang dagok sa mga magsasaka ang mataas na gastos ngunit mababang kita.
Bagama’t pinayagan na ang mga magsasaka na bumili ng gasolina kahit sa maliliit na lalagyan matapos ang apela sa Department of Energy, nananatiling kulang ang tulong.
Umaasa ang sektor na mapapalawak pa ang fuel subsidy na ipinamamahagi ng Department of Agriculture, na kasalukuyang nasa ₱3,000 kada benepisyaryo.
Kung magpapatuloy ang ganitong sitwasyon, posibleng maapektuhan ang susunod na taniman.
Maraming magsasaka ang maaaring hindi makabili ng sapat na abono, na magreresulta sa mas mababang ani sa mga susunod na buwan, partikular sa panahon ng anihan mula Setyembre hanggang Disyembre.
Babala pa niya, hindi lamang bigas kundi pati mais, gulay, karne, at iba pang produktong agrikultural ang maaapektuhan ang parehong sa presyo at suplay.










