Dagupan City – Nakakaranas ng pagtaas ng presyo ng bangus sa lalawigan ng Pangasinan dahil sa kakulangan ng suplay.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Jordan Carpio, Core Member ng Samahan ng Magbabangus sa Pangasinan (SaMaPa) sinabi nito na maraming bangus ang na-washout at nakawala sa mga fish cages matapos ang pananalasa ng mga nagdaang bagyo, dahilan upang tumaas ang presyo.
Sa kasalukuyan aniya, umaabot na sa ₱245 ang dalawang piraso o kada kilo ng bangus sa ilang pamilihan.
Paliwanag ni Carpio, pansamantala lamang ang pagtaas ng presyo at inaasahang magiging stable na ito sa loob ng apat na buwan.
Dagdag pa niya, bigyan sila ng kaunting konsiderasyon lalo na’t kasalukuyang nagsisimula pa lamang muling bumangon ang mga mangingisda mula sa matinding pagkalugi dulot ng bagyo.
Humingi rin siya ng pasensya sa mga mamimili at humiling ng pang-unawa habang unti-unting bumabalik sa normal ang produksiyon ng bangus sa lalawigan.