DAGUPAN – Malaking suliranin ngayon ang kinakaharap ng mga magtitinapay sa bansa dahil sa pagtaas ng presyo ng asukal at gasolina.


Ayon kay Chito Chavez, presidente ng Panaderong Pilipino at may-ari ng Tinapayan Festival, umaaray na ang kanilang industriya lalo na at hindi kakayanin ng kanilang hanay ang taas ng presyo ng kanilang ginagamit na raw materials sa paggawa ng tinapay.


Aniya, sa pagitan ng Enero hanggang Hunyo ngayong taon, nasa 26 percent ngayon ang itinaas ng mga uri ng asukal; 26 percent sa white sugar, 21 percent sa brown sugar, at 22 percent sa powdered sugar na ginagamit sa paggawa ng cake. Habang ang presyo ng diesel fuel na kanilang ginagamit sa panggatong ay tumaas rin sa 18 percent sa nabanggit na quarter.

--Ads--


Mahihirapan umano sila na makapagbenta ng kanilang mga tinapay kapag sila ay magtataas ng presyo lalo na at sagad na rin umano ang budget ng mga customers lalo ngayong pandemya at mas lalo lamang na masasayang ang kanilang mga produkto.

Bukod pa rito, hirap din sila na magdagdag ng sweldo sa kanilang mga panadero na kanila ring pinangangambahan na baka lumipat ng ibang trabaho upang humanap na may mas mataas na bayad.

Dagdag pa ni Chavez, labis na apektado ngayon ang mga maliliit na mga panaderya lalo na at marami sa kanila ang lubog na rin sa utang mula naman sa mga supplier lalo na sa kanilang kinakaharap na problema sa presyo ng kanilang ginagamit sa paggawa tinapay.


Kaya naman isa sa gagawin nilang alternatibo sa kakulangan at mahal ng presyo ng asukal ay makikipag-ugnayan sila para sa research and development para sa artificial sweetener.