Sa patuloy na pagtaas ng bilang ng mga kaso Hand, Foot, and Mouth Disease sa Region 1, ang bayan ng Calasiao ay nananatiling HFMD-Free o walang naitatalang kaso ng naturang sakit sa kasalukuyan ayon sa Health Office sa nabanggit na bayan.


Binigyang diin naman ng naturang tanggapan na bagamat noong nakaraang taon ay nakapagtala sila ng mga kaso ng HFMD, ay patuloy naman anila ang ginagawang disinfection lalo na sa mga paaralan upang mabawasan, maagapan, o mapanatiling ligtas at di na makapagtala ng kaso ng naturang sakit sa taong kasalukuyan.


Kaugnay niyan, nahingan ng panig ng Bombo Radyo Dagupan ang ilan sa mga guro sa bayan ng Calasiao ukol sa kanilang hakbang upang maiwasan o panatilihing ligtas ang mga estudyante sa paaralan nang hindi makakuha o mahawaan ng HFMD.

--Ads--


Ayon kay Digna Balanon Bauzon, ang siyang punong guro ng Buenlag Central School kung sakali man na magkaroon ng kaso ng HFMD ay handa aniya ang kanilang paaralan upang gumawa ng mga preemptive measures nang sa gayon ay mapigilan ang pagkalat ng sakit.

TINIG NI DIGNA BALANON BAUZON


Nagbigay rin ng parehong sentimyento ang WINS Coordinator ng Songkoy Elementary School na si Ma’am Salud L. Villanueva patungkol sa naturang usapin. Sa kaniyang pahayag, patuloy naman aniya ang pagpapanatili sa kalinisan at kalusugan ng kanilang mga estudyante tulad na lamang ng handwashing, disinfection, at iba pa.


Sinabi naman ni Dr. Rheuel Bobis, regional DOH medical officer, ang kanilang pinakahuling datos ay nagpakita na ng 1,170 hinihinalang kaso ng HFMD ang natukoy sa rehiyon kung saan hindi bababa sa 197 ang nakumpirmang kaso nito sa laboratoryo.

TINIG NI SALUD L. VILLANUEVA


Dagdag ni Bobis na ang kamakailang ulat ng surveillance ng rehiyon ay nagpakita ng clustering ng mga kaso sa iba’t ibang daycare center at elementarya na hindi bababa sa 16 na bayan sa Ilocos Norte, Ilocos Sur, at Pangasinan.


Sa parehong pahayag ni Bobis, ang DOH at ang Kagawaran ng Edukasyon ay “nagtutulungan” upang matiyak na ang mga aksyong pang-iwas ay inilalagay nang maayos sa mga paaralan, tulad ng “gumaganang mga pasilidad sa paghuhugas ng kamay, regular na pagdidisinfect ng mga silid-aralan, at pagpapayo sa mga mag-aaral na panatilihing malinis at malusog ang kanilang pangangatawan.