Pinawi ng Provincial Health Office dito sa lalawigan ang pangamba ng publiko sa posibilidad na paglobo ng kaso ng dengue na posibleng makuha ngayong tag-init.

Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Dra Cielo Almoite, Tagapagsalita ng PHO Pangasinan, inihayag nito na bagama’t ‘year round’ na o wala ng panahon na pinipili ang sakit na dengue, malabo pa rin umano itong makapagtala ng mataas na bilang dito sa probinsya ngayong summer season.

Base kasi aniya sa kanilang datos, dumudoble lamang ang mga kaso ng dengue sa Pangasinan tuwing panahon ng tag ulan.

--Ads--

Kumpara aniya sa bilang na kanilang naitatala tuwing rainy season, mas kaunti umano ang tinatamaan ng nasabing sakit kapag tag init.

Gayunpaman, kinakailangan pa rin, ayon kay Almoite, na panatilihing malinis ang mga kabahayan at paligid at huwag hayaang may mga stagnant water na pamahayaan at pinangingitlugan ng mga lamok upang hindi na ito dumami pa.