DAGUPAN CITY — Maliban sa pagtataas ng sahod ng mga nures at healthcare workers, naniniwala rin ang Filipino Nurses United na mahalaga ang gampanin ng pagsiguro ng kalidad ng edukasyon para sa mga ito upang matugunan ang kabuuang hamon na kinakaharap ng sektor.


Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Nico Oba, miyembro ng Filipino Nurses United, ibinahagi nito na sapagkat sandigan ng mga Pilipino ang mga nurses sa ospital ay dapat mataas ang kumpiyansa ng mga ito na papasok sa ospital ang magbibigay ng paglilingkod sa bayan.


Mahalaga rin na naiimbestigahan ang pamahalaan at mga grupo ng mga nurses na ginawang negosyo ang Continuing Professional Development (CPD), kung saan ay mas binibigyan pa ng mataas na presyo ang mga training na ito na napapakinabangan sana ng mga nurses at healthcare workers.

--Ads--


Saad pa nito na kailangan ding imbestigahan ang mga ospital na ginagawang contractual ang mga nurses na tinatangkilik naman ng gobyerno ng bansa.


Ani Oba na wala kasing saysay na ang bansang Pilipinas ang nagpro-produce ng maraming nurses sa bansa at gayon na rin sa ibayong dagat kung hindi naman natutugunan ang mga suliranin na humahadlang upang mapangalagaan ang kapakanan ng mga nurses at healthcare workers sa bansa.


Kaugnay nito ay hindi na rin sila umaasa na maibibigay pa sa kanilang hanay ang P12.57-billion na utang na allowance sa mga medical frontliners kabilang na ang mga nurses noong kasagsagan ng pandemya, gayunpaman ito aniya ay isang lehitimong karapatan na isinabatas para sa mga nurses at healthcare workers.


Kaya naman kung hindi ito maibibigay ay mayroon dapat pananagutan ang pamahalaan sapagkat karapatan ito ng mga nurses na matagal na dapat nilang nakuha, subalit natapos na ang pandemya ay wala pa rin silang natatanggap na benepisyong naipangako sa kanila.


Samantala, ikinatuwa naman ang kanilang hanay sa pagkakatalaga ng panibagong Kalihim ng Kalusugan sa katauhan ni Sec. Teodoro Herbosa sapagkat mayroon na silang malalapitan para sa mga pangangailangan ng mga nurses at healthcare workers.


Gayunpaman, umaasa naman sila na para sa hanay ng mga nurses at healthcare workers ang magiging prayoridad ng kanyang pamamahala sapagkat ito ang pinakakinakailangan ngayon ng sektor ng kalusugan.