DAGUPAN CITY — “Hindi rason ang pagtaas ng farmgate price ng mga palay ng magsasaka upang itaas din ang presyo ng bigas sa mga pamilihan.”
Ito ang binigyang-diin ni Cathy Estavillo, Spokesperson ng Bantay Bigas, sa naging panayam sa kanya ng Bombo Radyo Dagupan hinggil sa naturang usapin.
Aniya na patuloy naman ang isinasagawang monitoring ng kanilang grupo kaugnay sa patuloy na pagtaas ng presyo ng bigas, kung saan nama’y nakikipag-usap sila sa mga retailers at ayon umano sa kanila ay mas tumataas na ang lokal na produksyon ng bigas ngayon at ang mga naitatalang pagtaas sa nasabing produkto ay bunsod ng mahal na mga palay ng magsasaka.
Saad ni Estavillo na karamihan sa sariwang palay ng mga magsasaka sa Bicol ay nabibili sa halagang P16.50/kilo lamang, habang P18.50/kilo naman ang bentahan nito sa Isabela. Subalit kung titignang maiigi ay napakababa lamang ng presyo sa kada kilong sariwang palay kumpara sa gastusin ng mga magsasaka sa kanilang produkyson.
Dagdag pa ng opisyal na patuloy din ang pagtaas ng farm inputs ng mga magsasaka kung saan ang Triple 14 na pataba ay umaabot pa rin ng P3,400/bag at iba pang mga binhi at ginagamit na krudo sa kanilang pagaararo sa mga sakahan.
Kaya naman ani Estavillo na hindi ang farmgate price ang nagtatakda sa mataas na presyo ng bigas subalit gayon na rin ang retailers at mga traders na bumibili ng kalakhang ani ng mga magsasaka.
Maliban dito aniya ay ang mga magsasaka ang dapat na nananawagan na itaas pa at hindi dapat bababa sa P20/kilo ang pagbili ng mga palay sa kanila nang sa gayon ay makabawi naman ang mga ito sa napakamahal na cost of production.
Subalit hindi nila ito natatamasa at ang inaasahan nilang National Food Authority (NFA) na bibili sana sa kanila ng palay sa makatarungan at makatwirang halaga ay hindi naman sila natutulungang lubusan, sapagkat napakaliit na porsiyento lamang ang binibili sa kanila at ginagamit lamang ang mga ito bilang buffer stock at pang-kalamidad at hindi ibinabalik sa mga pamilihan upang maibenta sana sa publiko sa murang halaga.
Kaugnay nito, binigyang-diin din ni Estavillo na simula nang maisabatas ang Republic Act 11203 o ang Rice Liberalization Law noong February 14, 2019, ay nawala ang National Food Authority (NFA) rice sa merkado, kung saan nakapangako naman sa ilalim nito na papababain ang presyo ng bigas sa P25/kilo sa mga palengke.
Gayunpaman, mag-aapat na taon na simula nang naisabatas ito ay wala pa ring nakikita o mabibiling P25/kilo ng bigas sa mga pamilihan, bagkus nananatiling mahal ang bentahan nito kung saan ang pinaka-mababa ng presyo ay P38/kilo na hindi naman maganda ang kalidad.
Kaya naman ay nananawagan sila na maibalik na ang NFA rice sa mga pamilihan nang sa gayon ay mayroong mapagpipilian ang mga konsyumer na mura at dekalidad na bigas.