Dagupan City – Tiniyak ni Cristopher Aldo Sibayan, Presidente ng Samahan ng Magbabangus sa Pangasinan (SAMAPA), na mananatiling matatag ang suplay ng bangus sa lalawigan sa kabila ng pinsalang idinulot ng mga nagdaang bagyo sa ilang fish growers.

Ayon kay Sibayan, inaasahang tataas ang demand sa bangus ngayong papalapit na ang panahon ng Kapaskuhan.

Kung sakaling magkaroon man ng pagtaas sa presyo, tiniyak niyang bahagya lamang ito at hindi magiging mabigat para sa mga konsumer.

--Ads--

Gayunman, inamin niya na ang malamig na panahon ay nakakaapekto sa bilis ng paglaki ng bangus.

Dahil dito, napapahaba ang culture period o panahon ng pag-aalaga at nadaragdagan din ang kailangang pagpapakain.

Mula sa dating 4–5 buwan, maaari umanong madagdagan ng ilang linggo ang pagpapalaki sa mga isda.

Upang matugunan ang epekto ng mga hamon na ito, sinabi ni Sibayan na patuloy ang koordinasyon ng kanilang grupo kasama ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), Pangasinan Provincial Fishery Office, at ang Pamahalaang Panlalawigan.

Layon ng mga hakbang na ito na masiguro ang maayos at mas matatag na industriya ng bangus sa lalawigan.