BOMBO DAGUPAN – Hindi umano ang pagbuo ng technical working group ang kailangan upang masolusyunan ang mabagal na pag-unlad ng sektor ng agrikultura kundi pagsuspinde ng rice liberalization law na kasalukuyang umiiral sa bansa.
Yan ang naging saad ni Danilo Ramos, Chairman ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan sakanya.
Aniya na dahil sa rice liberalization law ang problema sa krisis sa pagkain at bigas ay hindi parin nasosolusyunan dahil narin nanatiling no. 1 rice importer ang bansa sa mga nakalipas na taon. Marahil ang polisiya at programa ng gobyerno ay nagdulot ng mas matinding problema sa presyo ng bigas at tumaas ng P5 hanggang P10 per kilo ito.
Dagdag pa niya na hindi lamang nakaapekto ang patakaran na ito sa presyo ng bigas kundi maging sa presyo din ng asukal, bawang at iba pa. Kaugnay nito ay hindi dapat simpleng monitoring lamang ang gawin ng gobyerno kundi pagbibigay ng tulong sa mga magsasaka na biktima ng El Nino na hanggang ngayon ay wala paring natatanggap.
Panawagan naman nito na sa gobyerno na kailangang paunlarin ang agrikultura sa bansa dahil kapag nagkaroon ng mura at mas affordable na bigas ay makikinabang ang lahat ng mga Pilipino.