BOMBO DAGUPAN– Marami pa umanong butas at mga katanungan sa Public Utility Vehicle Modernization Program ang hindi masagot ng LTFRB at DOTr kaya nabuo ang resolusyong pagsuspinde nito.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Mody Floranda, National President ng PISTON, nakitaan ng senado na kinakailangan pa ng masusing pag-aaral sa programa bago ito ipatupad.

Ito din kase ang resulta sa mga tinalakay mula sa ilang beses na pagdinig kaugnay sa programa.

--Ads--

Sa ginawa din na pagdinig, nagkaroon din ng pagkakataon ang mga minority at majority na makapagsalita upang ipahayag ang kanilang saloobin.

Aniya, suportado ng kanilang samahan ang posisyon ng senado dahil maging sila ay nakikitaan umano nila ito ng mga depekto.

Iginiit din niya na hindi dahil napagbibigyan ang minority kaya nabuo ang pananaw ng mga senador kundi bunga ito ng kanilang sama-samang paggigiit sa hindi magandang maidudulot ng programa sa kanilang sektor.

Kaugnay nito, nakita lamang ng senado ang kahalagahan nila na naobligahan lamang na magbayad kya buong hiling nila sa pamahalaan na makita ang kahalagahan din ng mga hindi nakapagconsolidate.

Aniya, pare-pareho lamang nabiktima ang kanilang sektor, nakapagconsolidate man o hindi, dahil ibinabaon lamang sila sa utang.

Maliban diyan, ginigipit din sila ng LTFRB at DOTr ang mga unconsolidated dahil hindi sila pinapayagan magrenew ng kanilang prangkisa at magparehistro ng kanilang sasakyan.

Dagdag pa ni Floranda, mariin nilang kinokondena ang pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kaugnay sa pagtutol nito sa pagsuspinde sa programa. Dapat aniyang pakinggan ng pangulo ang dalawang panig.