BOMBO DAGUPAN- Sarado umano ang isipan at bukas lamang sa iisang panig si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kaugnay sa hindi nito pagsuporta sa pagsuspinde ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Mody Floranda, National President ng nasabing grupo, hindi kinilala ng pangulo ang inilabas na resolusyon ng mga senado sa pagsuspinde ng programa kaya patuloy ang kanilang pagpapakita ng saloobin na nakakaapekto ito sa kanilang panghanapbuhay.
Aniya, itinakda nilang isagawa ang pag-kilos protesta sa harap ng opisina ng Land Transportation and Regulatory Board (LTFRB) sa darating na lunes.
Kasama ang kanilang mga kasamahan sa ibang lugar kabilang ang Bacolod City, Region I, at Cordillera Administrative Region upang igiit na mapayagan sila na mapakapagrehistro ng kanilang sasakyan at makapag-renew ng prangkisa.
Nakasuporta din ang resolusyon ng sangguniang panlalawigan ng IloIlo City at Bacolod City at LTFRB Region VI sa panawagang pagsuspinde ng implementasyon ng programa.
Kabilang ito sa kanilang ipapasa na mga sumusuportang dokumento sa kanilang ipinaglalaban dahil hanggang sa ngayon ay wala pang nakikitang pag-usad sa desisyon ng korte suprema.
Maliban diyan, panawagan din nila ang pagtaas ng budget para sa sektor ng transportasyon subalit, hindi dapat ito gamitin upang pondohan ang programa.
Samantala, nakatakda din sa susunod na linggo ang pagpapatawag ng pagdinig ng Committee on transport, sa pangunguna ito ni Sen. Raffy Tulfo.
Kasunod na linggo nito, magpapatawag naman aniya ng joint hearing kasama ang LTFRB at Department of Transportation (DoTr), kabilang na ang kanilang grupo at iba pang ahensya ng gobyerno.