DAGUPAN CITY — Nakakadismaya.
Ganito isinalarawan ni Arman Hernando, Vice Chairperson ng Migrante International, ang naging suspensyon ng bansang Kuwait sa Visa ng mga Pilipino.
Sa naging panayam sa kanya ng Bombo Radyo Dagupan, inihayag nito na bilang isang organisasyon ng mga Overseas Filipino Workers at mga pamilya, ay labis na nakakadismaya at nakakatakot ang ipinatupad na entry visa ban ng Kuwait.
Aniya na malaki ang magiging epekto nito hindi lamang sa kabuhayan ng mga OFW subalit gayon na rin sa direksyon ng kanilang buhay, lalong-lalo sa mga maiipit na nag-ayos ng proseso ng kanilang deployment, gumastos para makaalis, at gayon na rin sa mga pamilyang kanilang maiiwan sa Pilipinas na hindi malalaman kung hanggang kailan mananatiling naghihintay na makarating sila sa Kuwait.
Dagdag pa nito na habang ito ay nangyayari ay hindi rin makakatanggap ng sahod ang mga OFW, at mananatili silang baon sa utang, at problemado ang pamilya sa mga idinulot ng aberya na ito.
Maliban pa rito ay mayroon din ang pangamba sa kasiguraduhan ng kalagayan ng mga Pilipino na kasalukuyang nasa Kuwait, partikular na ang mga Overseas Filipino Workers na kinabibilangan ng tinatayang nasa 200,000 na mga domestic worker sa bansa na pinaka-bolnurable at mahihirapan sa sitwasyon na idinulot ng naturang suspensyon.
Saad pa ni Hernando na kung anuman ang mga patakaran ng Kuwait sa sitwasyong ito, ay ang mga Pilipinong domestic workers naman ang lagi aniyang napagbubuntunan at nakakaramdam ng pinakamalalang mga epekto sa mga ganitong pagkakataon.
Ani Hernando na sa kabila naman ng pagtiyak ng mga kinauukulang ahensya sa pagtugon sa naturang usapin ay wala naman aniyang kasiguraduhan sa proteksyon na ibibigay ng Department of Migrant Workers at Department of Foreign Affairs sapagkat ang pinagmumulan umano nila ay ang bilateral labor agreement sa pagitan ng Kuwait at ng bansang Pilipinas.
Ito naman aniya ay nakapa-substandard, hindi compliant sa international law na pumoprotekta sa mga Overseas Filipino Workers. Bukod dito ay mas mababa at mas limitado pa aniya ang domestic law sa pagitan ng dalawang bansa at simula nang ito ay maipaa ay hindi naman naramdaman ng mga OFW sa Kuwait ang epekto nito.
Bagkus ay patuloy silang nakararanas ng mga pang-aabuso, pagmamaltrato, na nagdudulot naman ng nananaig na pangamba sa kanilang kalagayan sapagkat wala silang totoong karapatan bilang mga manggagawa.
Idiniin pa ni Hernando na hindi na sakop ng bilateral labor agreement ng Pilipinas at Kuwait ang usaping ito, kaya naman mainam na mabusising mabuti ang kalakaran ng pagsasamantala sa mga OFW upang magkaroon ng konkretong pagtugon sa suliraning ito.