DAGUPAN CITY- Hindi buong sinusuportahan ni Con. Michael Fernandez ang pagkakaroon ng karagdagang pamasaheng singil sa pampasaherong tricycle sa syudad ng Dagupan dahil hindi naman ito bumabalanse sa pamumuhay ng mga mananakay.

Aniya, pareho lamang ang mga ito na may pamilyang kailangan sustenuhan.

Kaya para kay Fernandez, dapat isulong ang pagsuporta sa public transport upang hindi bumagsak ang lokal na ekonomiya ng syudad.

--Ads--

Ayon sa kaniya, kahit pa man may sariling sasakyan ang isang tao, dapat umano itong hikayatin na gumamit pa rin ng public transportation upang maiwasan ang pagsiksikan ng mga sasakyan.

Katulad aniya sa bahagi ng Barangay Bonuan na halos hindi na puntahan ng mga tao dahil sa siksikang trapiko.

Tiniyak naman ni Con. Fernandez ang paghuli sa mga kolorum at pagbibigay ng tamang kaparusahan sa mga ito.

Samantala, mas hinihiling ni Ronald Allan Uson, Presidente ng Dagupan City Federation PTA, na mas taasan pa ang P500 penalty sa mga lalabag na tricycle driver hinggil sa ordinansang pagbabawal sa pagsingil ng ‘overpriced fare’ sa syudad.

Aniya, masyado pa itong mababa kung tutuusin upang matiyak na hindi sisingilin ng sobra-sobra ang mga pasahero.

Gayunpaman, binigyan linaw niya na hindi rin siya tutol sa hinihiling ng mga tricycle drivers na pagtaas ng P50 ang minimum fare.

Subalit, kailangan lamang umano na piliin ang mga sisingilin nito dahil hindi naman lahat ng tao ay pare-parehas ng estado sa buhay.

Ang ilan tao kase ay mababa lamang ang sinasahod subalit kailangan nilang sumakay ng higit dalawang beses sa isang araw patungo sa kanilang trabaho, gayundin sa pag-uwi.