DAGUPAN CITY- Hindi tinututulan ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) ang pagbabalik ng Maximum Suggested Retail Price (MSRP) sa presyo ng baboy subalit, kailangan munang matiyak ng Department of Agriculture (DA) na sumusunod ang mga nagbebenta ng karneng baboy sa merkado bago ito muling ipatupad.

Ayon kay Jayson Cainglet, Executive Director ng nasabing grupo, sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, hindi naging epektibo ang naunang ipinatupad na MSRP dahil mas mataas ang presyo ng mga ibinebentang bahagi ng kerne ng baboy kumpara sa buhay na baboy ng mga hog raisers.

Aniya, dapat munang alamin ng DA ang hindi pagsunod ng mga nagbebenta dahil may banta pa na maaaring bumaba ang farm gate sa mga nag-aalaga.

--Ads--

Maliban pa riyan, may naitatala pang kaso ng mga African Swine Fever (ASF) sa ilang bahagi ng bansa partikular na sa Eastern Samar.

Ito ay karagdagang pahirap sa mga ito at nagdudulot pa ito ng pagbaba sa kanilang kinikita.

Sinabi naman ni Cainglet, nais nilang ipanawagan sa DA na mabigyan muna ng suporta ang mga nag-aalaga ng baboy upang may maipuhunan ang mga ito.

Samantala, kung nais naman mapababa ang presyo ng baboy ay dapat maging mahigpit ang ahensya sa mga middle man at hindi sa mga vendors at hog raisers.

Ang mga ito ang humaharang sa pagrecover ng mga producer at retailer kahit pa man nagpatupad ng MSRP.