BOMBO DAGUPAN Ang tanging intensyon lamang ng LGBTQIA+ Community ay mapabilang at matanggap ng lipunan.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Noreen Barber, Founding Chairman ng Trans Society of the Philippines, dekada na ang nakalilipas nang ipinakilala ang SOGIE Bill subalit patuloy pa din silang umaasa na bigyan ito ng pansin.

Ito aniya ang kanilang kailangan upang maipaglaban ang kanilang karapatan sa pagpapahayag at proteksyon.

--Ads--

Subalit, ikinadidismaya ni Barber ang hindi maipaliwanag na kabagalan sa pagsulong nito.

Malaki din umanong kontribusyon ng relihiyon kung bakit hindi pa aniya sila buong matanggap. Aniya, ang paniniwala sa relihiyon ang bumukod sa third sex at sa mundo ngunit kabilang din naman sila sa nilikha ng Diyos.

Gayunpaman, hindi naman maikakaila ang kanilang kontribusyon sa lipunan, lalo na sa matagumpay na mga indibidwal na kabilang sa kanilang komunidad.

Subalit, hindi aniya nila maibibigay ang kanilang buong kontribusyon kung hindi naman ibinibigay ang kanilang karapatan.

Giit naman ni Barber, na kailangan umanong pag-aralan pa ang sexual and gender orientation sa usaping SOGIE Bill upang mawakasan na ang umiiral na homophobia sa bansa.

Aniya, ang pagtanggap sa kanilang komunidad ay may kaugnayan din sa pagiging progresibo ng isang bansa, katulad na lamang umano ng Thailand.

Nakakaapekto din kase ang nararanasang diskriminasyon sa kanilang paghahanap ng trabaho.

Gayunpaman, hindi umano ito ang pipigil sa kanila upang ipagpatuloy ang kanilang paglaban at pagtulong sa kanilang kapwa Pilipino.