DAGUPAN CITY- Isa umanong magandang batas na ipapatupad ng gobyerno ang polisiyang “Good Vibes sa Internet” kontra cybercrime.
Ayon kay Tzar Umang, Policies Chief Operations Officer & Chief Technology Officer, sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, layunin nito ang maisulong ang digital cooperation, partikular sa social media, upang matiyak ang ligtas na cyber space laban sa iba’t ibang krimenalidad sa internet, katulad ng scamming at panloloko.
Aniya, matagal nang may batas sa bansa hinggil sa cybercrime subalit, ang nasabing polisiya ay para maghilom ang mga taumbayan mula sa mga epekto dulot ng krimen.
Nakikita naman niya na makakapagbigay ito ng malaking tulong sa mga tao, basta lamang ay hindi ito magagamit sa pamomolitika.
Palalakasin pa ng polisiyang ito ang mga umiiral na batas at itinataas din ang kamalayan sa malawak na mundo ng internet.
Kaniya naman pinapaniwalaan na malaki ang magiging bahagi ng telecommunications company sa pagpapatupad nito lalo na sa pagbibigay ng mga datos at monitoring nang hindi nalalabag ang data privacy ng bawat tao.
Samantala, sinabi naman ni Umang na mas magiging epektibo ang nasabing polisiya kung tutugunan din ng publiko ang kanilang responsibilidad.
Kung makaranas ng kriminalidad ay mas mabuting idaan ito sa tamang proseso at hindi na iasa pa sa ibang tao.