DAGUPAN CITY- Hindi kumbinsido at pinagduduhan pa rin ni Prof. Roland Simbulan, chairperson ng Center for People Empowerment in Governance, ang pagsulong ng Anti-Political Dynasty Bill kahit pa man umusad na ito sa open public consultation sa Carmona, Cavite.

Aniya, sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, kabilang sa mga sumasang-ayon sa pagsulong nito ay ang mga galing din sa Political Dynasty, gayundin ang mayorya ng mga mambabatas.

Kung sakali ay nagmimistulang pagpukpok nila ito sa kanilang sarili upang limitahan ang kanilang kapangyarihan para sa sariling interes o pagyaman.

--Ads--

Habang sa public hearing naman ay iginigiit din ng ilang mga mambabatas na paglabag ito sa karapatan ng ilang pilipino na lumahok sa eleksyon.

Gayunpaman, binigyan diin niya na ang layunin ng Anti-Political Dynasty Law na 40 taon nang nakalilipas nang mapabilang sa saligang batas ay upang mapalawak pa ang partisipasyon ng mga mamamayan, partikular na sa halalan.

Sa mga probisyon ng konstitusyon, ipinagbabawal ang Politcal Dyasty upang hindi mapasok ng monopolyo ng mga pamilyang politiko ang serbisyo ng gobyerno.

Subalit, giit pa ni Simbulan na hindi maipapasa ang isinusulong na batas kung hindi rin aamyendahan ang batas patungkol sa eleksyon.