DAGUPAN CITY- Ikinagagalit ni Vladimer Quetua, Chairperson ng Alliance of Concerned Teachers Philippines ang isinuwalat sa pagdinig ng kamara sa panunuhol umano ni Vice President Sara Duterte ng P50,000 kay dating Department of Education (DepEd) Usec. Gloria Mercado.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan sa kaniya, saludo siya sa lakas loob na pagharap ni Mercado dahil lumalabas na hindi lamang “underspending” ng budget ang issue sa opisina ng bise presidente.

Gayunpaman, hindi na ito bago para sa kanila at sa kanilang tingin ay barya lamang ito sa di umanong nakurakot ni Duterte.

--Ads--

At dahil dito, napag-usapan nila sa kanilang kakatapos na National Council meeting na ipapanawagan nila ang impeachment ng bise presidente.

Malinaw na rin naman na pinagtaksilan na umano ni Duterte ang tiwala ng mga guro at ang publiko.

Hind rin naman aniya sila hinarap ni Duterte simula na maging kalihim ito ng edukasyon upang pakinggan ang kanilang mga hiling. Kung tutuusin ay dapat matagal na din tinanggal ang bise presidente bilang kalihim.

Ikinalungkot niya na patuloy lamang nagpapalusot ang bise presidente at sa press conference na lamang siya nagpapaliwanag at hindi sa kongreso.

Sinabi din ni Quetua na hindi mawawala ang political crisis sa pagitan ng UniTeam subalit, ang matatapang na kinatawan ang tunay na nagtutulak sa pagsiwalat ng ganitong katiwalian.

Aniya, kanilang ipagpapatuloy pa ang paglabas ng baho ng iba pang opisina at sisiguraduhing may mananagot.

Kaugnay nito, dapat din umanong binusisi mabuti ang budget ng Office of the President at hindi laman natapos sa loob ng 10 minuto.

Samantala, umaasa na lamang ang kanilang grupo na mapakinggan na sila ng bagong kalihim ng DepEd at magkaroon ng magandang balita sa paparating na World’s Teachers Day.

Kaya kabilang sa kanilang tema sa Oktubre 4 ang pagpapataas ng budget ng DepEd upang maresolba ang kinakaharap na problema ng kanilang sektor.