DAGUPAN CITY — Naging maayos at mapayapa ang isinagawang pagbubukas ng voter’s registration sa bayan ng Binmaley para sa susunod na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Estrella Cave, ang tumatayong Election Officer ng Commission on Elections (COMELEC) Binmaley, sinabi nito na naging maayos ang kanilang isinagawang pagtanggap ng applications for registration, applications for transfer, applications for reactivation at corrections.
Aniya na ang lahat ng mga nasabing dokumento ay tinatanggap at pinoproseso na rin ng opisina ng COMELEC bilang bahagi ng pagsisimula ng voter’s registration.
Saad niya na sa ngayon ay mayroon pa lamang silang napoproseso na 28 na aplikasyon sapagkat hindi nakapagdala ng mga kaukulang dokumento ang ilang mga residente na umasang makakapagparehistro sa unang araw ng naturang aktibidad.
Bagamat unang inasikaso ang youth sector para sa voter’s registration, ay hindi pa naman nakakapagtalaga ng mga sattelite registration sites ang COMELEC Binmaley para sa senior citizens at Persons with Disabilities (PWDs).
Gayunpaman ay nakahanda at nakalatag na ang kanilang plano na gawing sattelite registration sites ang mga matataas na paaralan ng nasabing bayan gaya ng Camaley National High School, Parayao National High School, Tulag National High School, Binmaley School of Fisheries, at Binmaley Catholic School.
Target naman anila na i-schedule ang mga residenteng kabilang sa hanay ng senior citizen at PWDs bago aasikasuhin ng COMELEC Binmaley ang pagtanggap ng mga nagpapa-rehistro mula sa 33 mga barangay ng nasabing bayan, kung saan naman tinitignan nilang posibilidad ang clustering bilang tugon sa naturang usapin, alinsunod na rin sa ibinabang memorandum order sa kanilang ahensya.
Magtatagal naman ang voter’s registration sa bayan ng Binmaley hanggang sa Enero 31, 2023 kung saan ay target naman nilang mai-rehistro ang humigit kumulang na 2,000 botante mula sa sektor ng mga kabataan.
Gayunpaman ay hinihikayat naman ni Cave na magtungo na ang mga magpaparehistro sa kanilang tanggapan habang maaga pa nang maiwasan hindi lamang ang pagdagda ng mga botanteng makikilahok sa susunod na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections subalit gayon na rin upang maiwasan at matugunan ang maaaring maging problema sa mga aplikasyon.
Kaugnay nito ay binigyang-diin din ni Cave na patuloy naman silang nag-aabiso sa mga residente ng Binmaley patungkol sa mga kaukulang dokumento o mga papeles na kakailanganin upang matagumpay na makapag-parehistro para sa susunod na halalan.