CEBU CITY, Cebu — Nananatiling maayos ang kalagayan ng mga atleta ng Rehiyon Uno para sa Palarong Pambansa.
Ito ang ibinahagi ni Eusebio Carbonel Solis, Volleyball Boys Secondary Lvl Coach ng Umingan National High School sa naging panayam sa kanya ng Bombo Radyo Dagupan.
Aniya na naging maayos, ligtas, magarbo at engrande ang pagbubukas ng Palarong Pambansa ngayong taon.
Saad ni Solis na sinundan kaagad ang pagbubukas ng torneo ng mga laro sa iba’t ibang larangan ng palakasan kung saan ay nakalaro at nanalo sila laban sa Region IX, 2-0.
Pagbabahagi nito na bagamat neck-to-neck ang laban sa unang set, ay mabilis naman na nakalamang ang kanilang koponan.
Dagdag pa nito na nasa kabuuang bilang ng 15 ang mga delegado ng Umingan National High School na kinabibilangan ng 12 mga atleta, isang trainer, at dalawang coaches.
Samantala, sa kaugnay namang kaganapan sa Palarong Pambansa 2024, matagumpay din ang unang araw ng mga laro sa larangan ng Karatedo.
Sa panayam kay Alejandro Enrico Vasquez, National President ng Pangasinan Karate Pilipinas Sports Federation, ibinahagi nito na nasa 80 mga ateleta nila ang isasabak sa torneo.
Saad nito na naging maganda naman ang performance ng lahat ng mga manlalaro sa unang araw ng torneo.
Aniya na maliban sa Karatedo ay marami pa namang laro sa martial arts ang isasagawa sa mga susunod na araw gaya na lamang ng taekwondo.