Dagupan City – Matagumpay na nagtapos ang mga magsasaka ng Zone 7, Barangay Leet sa bayan ng Sta. Barbara sa isang 16-linggong pagsasanay sa Farmer Field School (FFS) sa ilalim ng programang Corn Management and Production.
Ang seremonya ng pagtatapos ay isinagawa upang kilalanin ang sakripisyo, tiyaga, at determinasyon ng mga kalahok na magsasaka na buong-pusong sumabak sa makabuluhang pagsasanay.
Sa loob ng apat na buwan, nakibahagi sila sa mga aktwal na gawain sa bukid, teoretikal na talakayan, at palitan ng karanasan upang mas mapahusay ang kanilang kaalaman sa tamang pangangalaga at produksyon ng mais.
Ang programa ay naglalayong paunlarin ang kakayahan ng mga magsasaka sa paggamit ng makabago at siyentipikong pamamaraan ng pagtatanim upang mapataas ang ani at kita.
Sinuportahan ito ng Agricultural Training Institute – Regional Training Center I (ATI-RTC 1) na siyang katuwang ng lokal na pamahalaan sa pagpapatupad ng nasabing programa.
Pinarangalan din sa seremonya ang mga Rural-Based Organizations (RBOs), Resource Persons (RPs), at mga Facilitators na naging katuwang ng mga magsasaka sa buong proseso ng pagkatuto.
Sa pagtatapos ng programa, umaasa ang lokal na pamahalaan ng Sta. Barbara na maipapatupad ng mga magsasaka ang kanilang mga natutunan upang mas mapabuti ang produksyon ng mais sa kanilang barangay at sa buong bayan.