BOMBO DAGUPAN- Mainit na usapin hanggang sa ngayon sa Amerika ang mga kasong kinakaharap ng kanilang dating Presidente na si Donald Trump kung saan ay marami ang kumwestiyon sa naging hatol ng korte suprema ng Estados Unidos ukol dito.
Ayon kay Atty. Joey Tamayo, Resource Person Duralex Sedlex ay hindi maaaring kasuhan ang isang presidente kung ang ginawa nito sa kanyang panahon ng panunungkulan ay isang “official act.”
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan aniya ay malaki ang pagkakatulad ng constitution ng Pilipinas at Amerika bagamat ay hango sa kanila ang karamihan sa ating kasalukyang konstitusyon.
Aniya na nakasaad sa 1973 constitution na lahat ng mga official acts ng presidente na ginawa niya sa panahon ng kanyang panunungkulan ay hindi maaring idemanda.
Kung saan kabilang dito ay ang paggawa ng treaty, pag-apruba ng isang bill, pakikipag-usap at pakikipagtalastasan sa ibang bansa, pagtawag sa sandatahang lakas ng pilipinas para sugpuin ang hamon sa peace and order at iba pang pagpapatupad ng batas.
Sa kabilang banda ay may pananagutan parin ito kung ang kanyang ginawa ay may kaugnayan sa pagdarambong at pagnanakaw dahil hindi naman ito maituturing na “official act.”
Maaari parin itong managot sa taong bayan kung siya ay nakagawa ng bagay na labag sa batas at konstitusyon ng republika ng Pilipinas.
Samantala, binigyang diin naman nito na hanggang hindi pa pinal ang desisyon ay hindi pa masasabing kriminal ang isang tao o isang akusado.
Dagdag pa niya na bagamat ay may kakayahan ang isang pangulo na mag-grant ng pardon para sa isang taong nasentensiyahan ng panghabang buhay na pagkakabilanggo ay hindi naman maaaring i-apply niya ito sa kanyang sarili sakaling may ginawang pagkakasala.
Pagbabahagi niya na ang mga nanunungkulan ay hindi hari at walang mataas sa batas.