DAGUPAN CITY- Naantala at muling ililipat ang pagsasagawa ng flushing sa mga pumping station dulot ng on-going road construction.
Ayon kay Marge Navata, Spokesperson ng PAMANA Water District Dagupan City, pinaplano na lang nila na ilipat ang nasabing flushing sa susunod na linggo upang mabigyan ng daan ang road widening and elevation sa lungsod bilang paghahanda sa pagpasok ng tag-ulan.
Bukod diyan, isinasabay na din aniya sa proyektong syudad ang pag-install at pag-upgrade ng mga linya ng tubo.
Kaugnay nito, inaasahan din nila ang mas maraming volume ng tubig mula sa pag-ulan kaya kasabay din itinaas ang mga base ng bubon upang hindi ito maapektuhan sa pagbaha.
Tiniyak din nilang magiging ligtas ang suplay ng tubig sa darating na tag-ulan kaya pinaganda na din aniya nila ang kanilang laboratory.
Alerto at regular naman aniyang binabantayan ang mga pumping stations upang matiyak ang suplay para sa mga concessionaire.
Binabantayan din maigi ng kanilang engineering department ang mga posibleng leaks upang maiwasan ang artificial low pressure ng suplay na tubig.
Dagdag pa ni Navata, sa kasalukuyan ay walang naitatalang problema at fully functional ang lahat ng 24 pumping stations.