DAGUPAN CITY- Nagpahayag ng pag-aalala ang Employers Confederation of the Philippines North Luzon Area (ECP-NLA) hinggil sa posibleng epekto ng House Bill no. 11376 o ₱200 across-the-board na pagtaas ng sahod ng mga nasa pribadong manggagawa sa bansa.
Matatandaan na naaprubahan na ito sa ikatlo at huling pagbasa ng Kamara na mayroong 171 botong pabor, 1 hindi pabor at walang nag-abstain.
Ayon kay Salvador “Ed” Poserio, Area President ng nasabing grupo na hindi naman sila tutol sa pagtaas ng sahod ng mga manggagawa lalo na kung may kakayahan ang mga employers katulad ng mga nasa medium at large enterprises o company.
Aniya na hindi naman nila isinasantabi ang paghihirap ng kanilang mga manggagawa bagkus ay itinuturing na nila ang mga ito bilang partners o kasosyo sa pagpapalago ng kanilang mga negosyo.
Pagbabahagi nito na ang tiyak na maapektuhan ng malaki ay mga nasa micro and small enterprises (MSEs) o company dahil sa limitado nilang kapital na bumubuo sa 96% ng mga negosyo sa Region 1, Region 2, at Cordillera Administrative Region (CAR).
Saad pa ni Poserio na hindi isinaalang-alang ng mga mambabatas ang mabigat na epekto nito sa mga negosyong maliit lamang o nasa surviving business stage na maaaring magresulta sa pagsasara nila na magdudulot ng pagkawala ng trabaho ng bawat indibidwal kung maisabatas ito.
Bukod dito, binanggit din si Poserio na maaaring magdulot ito ng pagtaas ng krimen at iba pang social disorder, tulad ng paglaki ng bilang ng mga pumapasok sa informal economy o underground economy.
Inilarawan niya ang panukala bilang “inflationary,” na magpapataas lamang sa presyo ng mga bilihin sa merkado.
Naniniwala ito na kailangan na lamang pagtuunan ng pansin ang pagbibigay ng mga subsidiya sa mga minimum wage earners na siyang maaring tumugon sa kanilang mga pangunahing pangangailangan gaya ng transportasyon, pagkain, at kuryente.
Nanawagan siya na dapat ipagkatiwala sa Regional Wage Board ang pagdedesisyon sa pagtaas ng sahod, at hindi ito dapat gamitin bilang pang-akit ng mga pulitiko.
Dapat ding tutukan aniya ang isyu ng korapsyon, na isa sa mga ugat ng kahirapan sa bansa.