DAGUPAN CITY- Patuloy pa rin inaasam ng bansa, lalo na ang mga manggagawa, na maipasa na ng mga mambabatas ang pagtaas ng sahod na tunay na nakabubuhay.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Julius Cainglet, Vice President ng Federation of Free Workers, matutugunan na ang wage gap sa pagitan ng Metro Manila at mga probinsya kapag naipatupad na bilang National Legislation ang Living Wage Act.

Aniya, labis na makikinabang rito ang mga manggagawa sa mga probinsya na labis na naghihirap sa pagtaas ng mga bilihin.

--Ads--

Kaya mahalaga ang mga pag-aaral ng National Economic and Development Authority (NEDA) at National Wages Productivity Commission hinggil sa kinakailangang sahod batay sa pangangailangan ng isang pamilya upang masuportahan ang batas na makapagbibigay ng sapat na sahod sa mga manggagawa.

Gayunpaman, sapat na rin naman na patunay ang sigaw ng mga manggagawa para maitakda ang sahod na nakabubuhay.

Naniniwala naman si Cainglet na kakayanin ng mga negosyante na magpasahod ng P1,000 araw-araw dahil kung susuriin naman ay patuloy din naman ang kanilang pagyaman.

Mababawasan man ang kanilang kikitain subalit, hindi ito mauuwi sa pagkalugi ng kanilang negosyo.

Panawagan naman niya sa mga mambabatas na ipakita ang kanilang sinseridad at hindi lamang gamitin ang mga manggagawa sa kanilang pamomolitika.

Samantala, tinatanggap man ng kanilang grupo ang kamakailang P50 wage increase sa National Capital Region (NCR) subalit, kulang pa rin ito dahil hindi naman kabilang ang natitirang bahagi ng bansa.